Nakumpiska ng mga kinauukulan ang P16.1 million na halaga ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia mula sa isang pulis at kanyang kasabwat sa isang anti-smuggling operation sa Sitio Bactus sa Barangay Talabaan sa Zamboanga City nitong madaling araw ng Huwebes.
Kinumpirma nitong tanghali ng Huwebes ng mga city officials at mga ranking members ng Regional Peace and Order Council-9 ang pagkakasamsam mula kina Patrolman Berhamin Jadjuli Taji, nakadestino sa isang police unit sa probinsya ng Sulu, at Ernesto Sandri Mari-as, residente ng Barangay Divisoria sa Zamboanga City, ng naturang mga imported na sigarilyo.
Sa inisyal na ulat ng tanggapan ni Brig. Gen. Eleazar Matta, director ng Police Regional Office-9, nasamsam din mula sa dalawang suspects ang isang van-type Isuzu Elf truck, may plakang KBF 2276, na kanilan sanang gagamitin sa pag-deliber ng 282 na mga malalaking kahon na may lamang sigarilyong gawa sa Indonesia sa kanilang mga contacts sa ibat-ibang lugar sa Zamboanga City at mga karatig bayan sa probinsya ng Zamboanga Sibugay.
Maagap na naisagawa ng PRO-9 at Zamboanga City Police Office ang naturang anti-smuggling operation dahil sa mga ulat ng mga impormanteng alam ang pag-iimbak nila Taji at Mari-as ng mga imported na sigarilyo sa Barangay Talabaan.
Ayon kay Matta, kanilang ipapa-kustodiya sa Bureau of Customs ang mga imported na sigarilyong nasamsam para sa kaukulang disposisyon. (September 11, 2025, Zamboanga City, Region 9)