Tatlong indibidwal ang naaresto habang aabot sa mahigit ₱500,000 halaga ng hinihinalang shabu at ilang ilegal na armas ang nakumpiska sa magkakahiwalay na operasyon ng Police Regional Office 9 (PRO 9) sa Zamboanga Peninsula noong Biyernes, October 10, 2025. Ang serye ng operasyon ay isinagawa bilang tugon sa direktiba ni Acting PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad sa bansa.

Pinangunahan ito ni Police Brigadier General Eleazar P. Matta, Regional Director ng PRO 9, sa koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng pulisya at militar sa Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, at Sulu.

Dakong 7:54 ng gabi sa Purok 5, Barangay Fatima, Liloy, Zamboanga del Norte, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit 9 at Liloy Municipal Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang 36-anyos na lalaki at pagkakasamsam ng tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱340,000. Kinilala ang suspek bilang miyembro ng “Muloc Group,” isang kilalang grupong sangkot sa extortion, gun-for-hire, kidnapping, at bentahan ng ilegal na droga sa Liloy at Salug.

Ang grupo ay dati umanong pinamumunuan ni Sehar “Red Eye” Muloc na kasalukuyang nakakulong sa San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City. Ang suspek, na dati nang nasangkot sa kaso ng droga, ay nasa kustodiya ngayon ng Liloy MPS habang isinasailalim sa pagsusuri ang mga nakuhang ebidensya sa PNP Provincial Forensic Unit.

Mas maaga noong 6:40 ng umaga, ikinasa ng Naga Municipal Police Station ang implementasyon ng search warrant laban sa isang 47-anyos na lalaki sa Barangay Baluno, Naga, Zamboanga Sibugay, kasama ang Zamboanga Sibugay 2nd Provincial Mobile Force Company, Regional Intelligence Division, Provincial Intelligence Unit, at 106th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 12 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱81,600, isang caliber .45 pistol, bala, at iba’t ibang magazine para sa baril. Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa Naga MPS habang dinala sa Provincial Forensic Unit ang mga ebidensya para sa imbestigasyon.

Samantala, dakong 9:35 ng umaga sa Suleco Drive, Barangay Bus-Bus, Jolo, Sulu, nadakip naman ng mga tauhan ng Jolo Municipal Police Station ang isang 43-anyos na construction worker matapos mahulihan ng 12 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga rin ng ₱81,600. Isinailalim na sa dokumentasyon at inihahanda ang kasong isasampa laban sa suspek.

Pinuri ni PBGen. Eleazar P. Matta ang matagumpay na operasyon ng mga yunit ng PRO 9, na aniya ay patunay ng tuluy-tuloy na kampanya ng pulisya laban sa droga at mga armadong kriminal sa rehiyon.

Dagdag pa niya, mananatiling pursigido ang PRO 9 na masugpo ang bentahan ng ilegal na droga at mapanatili ang katahimikan sa Zamboanga Peninsula. Ang PRO 9 ay nananatiling tapat sa tungkulin nitong ipatupad ang batas, protektahan ang mamamayan, at papanagutin ang mga lumalabag dito.

Ellyza Mae Amar (October 11, 2025, Zamboanga Peninsula)