Arestado ang tatlong pekeng tauhan ng Commission on Election (Comelec) dahil sa pagsasagawa ng hindi awtorisadong inspeksyon sa Silangan Elementary School sa Barangay San Pablo Norte, Santa Cruz, Laguna noong Lunes ng gabi.

Ang tatlo ay kinilala lamang sa mga alyas na Noli, 64; Joe, 74 at Jose, 46, pawang naninirahan sa Barangay Salvacion, La Loma, Quezon City.

Kasong Usurpation of Authority at Falsification of Public Documents ang isinampa ni Patrick Arbilo, 47, acting Election officer ng Comelec-Santa Cruz, laban sa tatlong suspek.

Lumalabas na nagpanggap ang tatlo bilang mga tauhan ng Comelec main office sa Intramuros, Manila nang dumating sila sa paaralan sakay ng Toyota Avanza, noong Lunes ng alas-6:40 ng gabi.Isa sa mga suspek ang nagpakita pa umano ng pekeng identification card ng “Comelec Task Force Kontra Bigay” para makapasok sa paaralan at nagpakuha pa ng mga larawan.

Ayon sa pulisya, ang tatlo ay nagsasagawa ng inspeksyon sa paaralan. kung kaya agad na nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Comelec Provincial Office upang iberipika kung lehitimo ang inspeksyon. Gayunman, nalaman ng pulisya na ang mga suspek ay hindi konektado sa Comelec at hindi awtorido ang anumang inspeksyon sa alinmang polling center sa lugar kung kaya agad silang inaresto. (May 8, 2025, Pilipino Star Ngayon, Ed Amoroso) 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *