Isang agent ng Philippine Drug Enforcement Agency na nanakot na ipapahiya sa publiko ang ka-relasyong babaeng mayroon siyang mga maselang larawan at video kung hindi magbibigay ng “protection money” at makikipagtalik sa kanya ang naaresto ng mga pulis sa isang entrapment operation sa isang motel sa Cotabato City nitong Martes, October 11.

Tatlong mga mga pulis mula sa Cotabato City Police Precinct 2, sina Senior Master Sgt. Sean James Cayanga, Cpl. Johari Dilawangan, at Patrolman Ronan Jay Agustin, ang nagtamo ng mga pasa at bukol sa ulo dahil nanlaban muna ang suspect, pansamantalang kinilala lang na si Ronwill, bago nila ito tuluyang na-detine.

Kinumpirma nitong Miyerkules ng mga local executives sa Cotabato City at mga traditional Moro community leaders na tumulong sa naturang entrapment operation na nakakulong na ang 37-anyos na si Ronwill, nahaharap na sa mga hiwalay na kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at coercion na ihahain laban sa kanya dahil sa kanyang ginawang pamimilit sa 22-anyos na babae na makipagtalik sa kanya at bigyan siya ng pera upang hindi kumalat sa publiko ang mga larawan niyang hubad ang katawan.

Dati na diumanong may tagong relasyon si Ronwill, may asawa, at ang kanya sanang bibiktimahing babaeng residente ng Rosary Heights 10 sa Cotabato City.

Ang entrapment operation na nagresulta sa pagkaaresto ni Ronwill ay pinangunahan ng mga pulis na kasapi ng Regional Anti-Cybercrime Unit-Bangsamoro Autonomous Region, pinamumunuan nila Lt. Col. Arnold Acosta at Lt. Mac Sharry Campaniel, at sinuportahan ng mga tropa ng Cotabato City Police Precinct 2.

Ayon kay Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, malaki ang naitulong sa naturang matagumpay na entrapment operation ng mga barangay at city officials, kabilang si Mayor Bruce Matabalao, na siyang presiding chairperson ng multi-sector Cotabato City Peace and Order Council. (November 12, 2025, Cotabato City, Bangsamoro Region)