Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-11 ang abot sa P3.5 million na halaga ng shabu mula sa isang bigtime dealer na kanilang nalambat sa Barangay Ising sa Carmen, Davao del Norte nitong hapon ng Biyernes, August 8.

Kinumpirma nitong Sabado ng mga local executives sa probinsya ng Davao del Norte na nasa kustodiya na ng PDEA-11 ang lalaking suspect, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa ulat nitong Sabado ng regional office ng PDEA-11, agad na inaresto ang suspect ng mga anti-narcotics agents na kanyang nabentahan ng 527 gramo ng shabu sa Purok 10 sa Barangay Ising sa isang entrapment operation na nailatag sa tulong ng mga barangay at municipal officials sa Carmen.

Gagamiting ebidensya sa pasampa ng kaukulang kaso sa suspect ang P3.5 million na halaga ng shabu na nasamsam mula sa kanya.

Ayon sa mga provincial officials sa Davao del Norte, kilala ang suspect sa kanyang malakihang pagbebenta ng shabu sa kanilang probinsya.

Ayon sa mga PDEA-11 officials, nailatag ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng local officials sa Carmen at ng mga units ng Davao del Norte Provincial Police Office. (August 9, 2025, Carmen, Davao del Norte, Region 11)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *