Personal grudge ang nakikita ng mga police investigators na dahilan ng pag-ambush sa isang motorista sa Barangay Kayaga sa Kabacan, Cotabato nitong umaga ng Sabado, June 21, 2025.

Ito ang pahayag sa mga reporters nitong Linggo ng mga opisyal ng Kabacan Municipal Police Station at mga kamag-anak ng napaslang na si Abdullah Mama Kamsali, residente ng Barangay Pagagawan, sa Datu Montawal, Maguindanao del Sur.

Agad na namatay sa mga tama ng bala si Kamsali na sakay ng kanyang motorsiklo ng tambangan ng mga armadong nakaabang sa kanya sa gilid ng highway sa Crossing Magatos sa Barangay Kayaga sa Kabacan.

Mabilis na nakatakas ang mga pumatay kay Kamsali na patungo sana noon sa poblacion ng Kabacan matapos nila itong mapatay gamit mga 9 millimeter pistol.

Ayon sa mga local officials, malinaw na kagalit ng biktima ang mga salarin na posibleng mga residente din ng Datu Montawal na ilang kilometro lang ang layo mula sa kung saan siya na-ambush na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan. (June 22, 2025)