AURORA, Zamboanga del Sur — Nasamsam ng mga operatiba ng Police Regional Office 9 (PRO 9) sa tulong ng Aurora Municipal Police Station, Zamboanga del Sur Police Provincial Office, Bureau of Customs (BOC), at 53rd Infantry Battalion ng Philippine Army ang tinatayang ₱802,200 halaga ng puslit na sigarilyo sa isinagawang operasyon noong gabi ng Oktubre 7, 2025 sa bayan ng Aurora.
Sa ulat na ipinarating kay PRO 9 Regional Director, Police Brigadier General Eleazar P. Matta, nadakip sa operasyon ang dalawang lalaki na may edad 33 at 63, kapwa residente ng Barangay Barra, Dipolog City, Zamboanga del Norte.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 14 na kahon ng Champion brand na sigarilyo na may tinatayang halagang ₱802,200. Isinuko sa Bureau of Customs Pagadian City Satellite Office ang mga nakumpiskang kontrabando kasama ang ginamit na sasakyan para sa wastong disposisyon.
Pinuri ni PBGen Matta ang mga kasapi ng operasyon at binigyang-diin ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na gawain sa rehiyon. “Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay sa dedikasyon ng ating mga tauhan sa pagpapanatili ng seguridad sa ating ekonomiya at pagpapatupad ng batas. Magpapatuloy ang ating pakikipagtulungan sa Bureau of Customs at iba pang ahensya upang mas palakasin ang mga operasyon laban sa mga sindikatong sangkot sa smuggling,” ani ni PBGen Matta.
Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng patuloy na pangako ng PRO 9 sa pagpapatupad ng batas, pagpapalakas ng seguridad sa hangganan, at pagsuporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling sa Zamboanga Peninsula.
Ellyza Mae Amar ( October 7, 2025)