COTABATO CITY (October 5, 2025) — Nag-alok ng P500,000 cash reward ang local government unit dito sa lungsod sa sinumang makakatulong sa pagkilala ng mga responsable sa ambush nitong Sabado, October 4, na nagsanhi sa pagkamatay ng isang Sangguniang Kabataan chairman at kanyang kapatid at pagkasugat ng isang pulis.
Mismong si Mayor Bruce Dela Cruz Matabalao ang nag-anunsyo nitong Linggo, October 5, na naglaan siya ng P500,000 para sa sinumang makakaturo sa pulisya sa mga responsable sa pananambang kina Mohaz Salvador Matanog na Sangguniang Kabataan chairman ng Barangay Poblacion 5 sa Cotabato City at kanyang kapatid na si Muamar, parehong nasawi sa insidente.
Sakay ang dalawa ng pulang Toyota Raize, patungo sa isang lugar, ng pagbabarilin ng mga armado habang sila ay padaan sa kanto ng Jose Lim, Sr. Street at Sinsuat Avenue, hindi kalayuan sa Cotabato City Police Precinct 1. Ang pinangyarihan ng ambush ay isa sa mga sentro ng komersyo sa Cotabato city, napapalibutan ng mga malaking tindahan at malapit din sa ilang mga bangko.
Agad na namatay sa maraming mga tama ng bala si Matanog habang si Muamar, sugatan sanhi ng ambush, ay pumanaw sa Cotabato Regional Medical Center kung saan siya isinugod ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Isang pulis na nag-responde sa insidente, si Patrolman Norsaiden Laguiali, ang binaril at nasugatan din ng mga nag-ambush sa magkapatid na Matanog na mabilis na nakatakas gamit mga motorsiklo.
Kinondena nila Matabalao, chairman ng Cotabato City Peace and Order Council, at ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkakapaslang sa magkapatid.
Ayon kay De Guzman, mismong si Col. Jibin Bongcayao, director ng Cotabato City Police Office, at mga city officials ang magkatuwang na namamahala sa imbestigasyon na naglalayong malutas ang naturang krimen.
Agad na inilibing din nitong Sabado ng hapon ng mga kamag-anak ang napaslang na magkapatid sa isang lugar sa bayan ng Talayan sa Maguindanao del Sur, ayon sa tradisyong Islam na kailangang mailibing ang patay sa loob ng 24 oras mula pagpanaw.