Nakumpiska ng mga pulis ang abot sa P43 million na halaga ng mga imported na sigarilyong lulan ng dalawang mga pumpboats na nasabat sa karagatang sakop ng Zamboanga City nitong Miyerkules, June 18, 2025.

Kinumpirma nitong Biyernes ng Police Regional Office-9 ang pagka-samsam sa mga sigarilyong mula sa Indonesia sa isang seaborne operation ng mga units ng Zamboanga City Police Office malapit sa Sta. Cruz Island.

Ayon kay Police Brigadier General Roel Rodolfo, Jr., director ng PRO-9, anim na mga tripulante ng dalawang mga pumpboat ang na-detine kaugnay ng kanilang tangkang paghatid ng mga imported na sigarilyo sa kanilang mga contacts sa Zamboanga City.

Agad namang napa-kustodiya ng mga PRO-9 units na nagsagawa ng naturang anti-smuggling operation sa Bureau of Customs sa Zamboanga City ang 749 na mga malalaking kahon ng mga sigarilyong Fort White, Tradition at Modern na gawa sa Indonesia.

Sa mga karagatan ng Sulu at Tawi-Tawi idinadaan ng mga smugglers ang mga sigarilyong mula sa Indonesia na kanilang nilalako sa ibat-ibang mga seaside provinces at mga lungsod sa Mindanao.

Makikita sa larawan ang dalawang malalaking mga pumpboats na pinagkargahan ng mga imported na sigarilyo. Ang dalawang sasakyang pandagat ay kinumpiska din ng PRO-9 at ngayon naka-impound na sa isang police seaside detachment sa Zamboanga City. (June 20, 2025)