Isang 43-anyos na lalaking barangay councilor ang nakumpiskahan ng P136,000 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Ballak sa island municipality ng Tandubas sa probinsya ng Tawi-Tawi nitong hapon ng Miyerkules, September 24.
Kinumpirma nitong Biyernes, September 26, ng mga municipal officials at mga traditional community leaders sa Tandubas na ang nalambat na si Aldzrin Sulani Koa ay konsehal sa kanilang barangay kung saan siya nalambat at matagal nang sangkot sa pagbebenta ng shabu sa ilang mga kababayan.
Sa ulat nitong Biyernes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, agad na inaresto ng kanilang mga agents at ng mga kasapi ng Tandubas Municipal Police Station ang suspect matapos silang bentahan ng shabu sa isang lugar sa Barangay Ballak.
Nakunan si Koa sa naturang entrapment operation ng 20 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P136,000, ayon sa mga municipal officials ng Tandubas.
Ayon kay Castro, naikasa ng kanilang mga agents sa Tawi-Tawi ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng mga units sa probinsya ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na pinamumunuan ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman.
Pinasalamatan din ni Castro ang mga officials ng Tandubas municipal police force sa pagsuporta sa entrapment operation na nagresulta sa pagkumpiska ng P136,000 na halaga ng shabu sa 43-anyos na suspect na naka-detine na. (September 26, 2025, Tawi-Tawi, Bangsamoro Region)