Nagbuwis ng buhay ang isang obrero sa pagsagip sa kasamahan nito na hinimatay sa ilalim ng hukay sanhi ng masangsang na amoy ng tumagas na mabahong kemikal sa isang construction site sa Brgy. Pangyan, Calinan District, Davao City nitong Lunes.
Kinilala ang nasawing biktima na si Relly Semblante, 41-anyos habang ang nasagip nitong katrabahong obrero ay si Junrey Villar, 31 taong gulang.
Sa ulat ng Davao City Police, si Villar ay bumaba sa hukay sa nasabing construction site pero hinimatay habang nasa ilalim nang makaamoy ng mabahong kemikal.
Nang makita naman ito ni Semblante ay agad siyang bumaba sa kanilang hinuhukay sa naturang construction site.
Nagawang maitali ni Semblante ang katawan ni Villar gamit ang lubid na hinila naman pataas ng kanilang mga kasamahan.
Naisalba ang buhay ni Villar pero si Semblante naman ang nawalan ng malay tao at na-trap sa hukay hanggang sa bawian ng buhay sa insidente. (May 8, 2025)