Ang bata sa larawan at si Denard B. Uy-uyon, 11-anyos na estudyante ng Panubtuban Elementary School sa bayan ng Asipulo sa lalawigan ng Ifugao.

Ibinalik niya ang napulot niyang P102,450 cash sa tunay may-ari batay sa mga ID na nakuha kasama ang nasabing halaga kamakalawa.

Isang residente ng Kiangan sa Ifugao ang naiulat na nagbigay ng P10,000 kay Denard dahil sa kanyang paghanga sa ipinakita na kabutihang loob ng bata, ayon sa mga ulat ng radio stations sa lalawigan ng Ifugao at sa Baguio City nitong Biyernes.

Umani ng paghanga at papuri ang mag-aaral na si Denard mula sa iba’t-ibang sector sa kanilang probinsya at mga karatig na mga lugar sa Luzon.

Ayon kay Denard, nakita niya ang isang pouch na naglalaman ng naturang pera sa loob pampasaherong jeepney na kanyang sinakyan.

Agad na nakipag-ugnayan ang ina ni Denard na si Daisy sa may-ari ng pera sa pamamagitan ng identification cards na nakita sa loob ng pouch na pinagsidlan nito.

Ang pera ay agad na naisuli kay Myrna Nalliw na empleyado ng isang kumpanya sa Ifugao. Sa salaysay ni Nalliw, galing sa bangko ang perang pag-aari ng kumpayang kanyang pinagtatrabahuan na kanyang naiwan sa isang public transportation.

Nagalak ang mga school teachers at principal ng Panubtuban Elementary School sa bayan ng Asipulo sa ipinakitang kabutihan ni Denard. (July 25, 2025, handout photos)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *