
Patay ang isang lalaking mahilig umanong manglait matapos pagsasaksakin ng kaniyang kapitbahay sa Barangay 7, sa Catanauan, Quezon kamakalawa.
Ang biktima na nagtamo ng mga saksak sa ibat-ibang parte ng katawan ay kinilalang si alyas “Mando”, nasa legal ng edad.
Batay sa imbestigasyon ng Catanuan Municipal Police Station, madalas umanong manglait at ipinapahiya ng biktima ang suspek na si alyas “Ricky” sa harap ng kanilang mga kapitbahay.
Nang magkaroon umano ng pagkakataon ang suspek na gumanti sa panghihiya sa kanya ng biktima ay isinagawa nito ang krimen habang naglalakad patungo sa kanyang bahay ang huli, nitong gabi kamakalawa.
Mabilis na tumakas ang suspek gayunman ay agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad at naaresto ito na sinampahan ng pagpatay. (Pilipino Star Ngayon, Tony Sandoval, July 25, 2025)