COTABATO CITY (November 19, 2025) — Dumating ngayon umaga ng Miyerkules, November 19, sa Cebu City ang karagdagang mga emergency responders at mga manggagamot mula sa Bangsamoro region, pinangungunahan ni Doctor Arrif Mohammad Baguindali, para mag-serbisyo sa mga residente ng mga bayan sa Cebu na nasalanta ng dalawang mga super typhoons na magkasunod na humagupit sa probinsya dalawang linggo pa lang ang nakakalipas.
Si Doctor Baguindali ang siyang chief ng Integrated Provincial Health Office-Maguindanao na ang tanggapan ay nasa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur. Siya din ang namamahala ng bagong tatag na Bangsamoro Regional Medical Center sa naturang bayan.
Una ng nagpadala sa Cebu ang physician-ophthalmologist na si Minister Kadil Sinolinding, Jr. ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at ang kanilang chief minister, si Abdulrauf Macacua, ng mahigit 40 na mga field workers na bihasa sa calamity at disaster response operations at mga doctor para magsilbi sa mga typhoon victims sa naturang probinsya na nangangailangan ng medical at iba’t-ibang health interventions.
Dumating ang naturang public service contingent na mula sa Cotabato City sa Cebu City noong Biyernes, November 14, may dalang mga emergency transport vehicles, at mahigit limang tonelada na mga hygiene kits at mga gamot para sa iba’t-ibang mga karamdaman.
Nag courtesy call nitong Lunes, November 17, si Bangsamoro Health Minister Sinolinding, na kasapi din ng 80-seat BARMM parliament, kay Cebu Gov. Pamela Baricuatro mismo sa governor’s office sa Cebu City, kung saan personal siyang pinasalamatan ng gobernadora sa kanilang humanitarian missions para sa mga residente ng kanilang probinsya na apektado ng super typhoons Nito (Kalmegi) at Uwan (Fung-Wong) na magkasunod na tumama sa kanilang mga bayan at kanilang capital city dalawang linggo pa lang ang nakakalipas.
Makikita sa larawan ang humanitarian mission team ng Integrated Provincial Health Office-Maguindanao mula sa Cotabato City, kabisera ng BARMM, na dumating na sa Cebu City.