Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang 42-anyos na lalaking biktima ng ambush ng mga armadong motorista gabi ng Sabado, October 25, sa Barangay El Nonok sa Banga, South Cotabato.

Sa ulat nitong Linggo, October 26, ng mga barangay officials at ng mga imbestigador ng Banga Municipal Police Station na nagresponde sa insidente, sakay si Andy Palencia Sorongon ng kanyang motorsiklo, pauwi sa kanila ng tambangan ng mga armado sa isang bahagi ng highway sa Purok Riverside sa El Nonok.

Mabilis na nakatakas ang mga salarin gamit mga motorsiklo, iniwang nakahandusay sa kalyte si Sorongon, duguan, wala ng buhay.

Ayon kay Police Lt. Adelyn Lazaga, Officer-in-Charge ng Banga MPS, tatlong tama ng bala ng .45 caliber pistol ang tinamo ni Sorongon na nagsanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Nagtutulungan ang mga imbestigador ng Banga police force at mga barangay officials sa El Nonok sa pagkilala sa mga pumatay kay Sorongon upang masampahan ng kaukulang mga kaso. (October 26, 2025)