Patay ang isang motorista at sugatan ang tatlong iba pa sanhi ng ambush sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Linggo, June 22, 2025.

Sa ulat ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station nitong Lunes, na-deklarang dead on arrival sa isang pagamutan sa Datu Odin Sinsuat ang motoristang si Muslimin Wari Angkanan sanhi ng naturang pananambang.

Nagtamo ng mga maselang tama ng bala sa katawan ang kanyang mga kasama na sina Esmail Ulimpain Angkanan at Ebner Ulimpain Laguindab na unang isinugod ng mga emergency responders sa isang pagamutan sa Datu Odin Sinsuat at inilipat din kalaunan sa Cotabato Regional Medical Center sa Cotabato City.

May isa pang nasugatan sa naturang insidente, ang menor-de-edad na si Alimudin Dipatuan, ayon sa mga barangay officials at mga imbestigador ng Datu Odin Sinsuat police force.

Inaalam pa ng mga police investigators kung sino ang mga namaril kina Angkanan. Naniniwala ang mga kinauukulan sa Datu Odin Sinsuat na isa sa kanila ng kanyang mga kasama ang target ng mga armadong nag-ambush sa kanila. (June 23, 2025)