Nasawi ang 49-anyos na lalaki habang nawawala ang 15-anyos na binatilyo matapos silang tangayin ng malalakas na alon sa isang beach outing sa Lian, Batangas nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa Lian police ang nasawing biktima ay isang construction worker, taga-Barangay Saint Peter 2, Dasmariñas City, Cavite, habang patuloy na pinag-hahanap ang isang Grade 11 student na residente rin ng Dasmariñas City.
Naganap ang insidente umaga sa isang beach resort sa Barangay Lumaniag, Lian, Batangas kung saan nagkaroon ng beach outing ang mga residente at opisyales ng barangay na pinangungunahan mismo ng kanilang kapitan.
Matapos na sawayin ng chairman at lifeguard ang mga biktima na huwag nang lumangoy dahil sa malakas na agos ng alon, ay tumuloy parin silang lumusong sa tubig hanggang sa biglang tangayin ng naglalakihang alon.
Bandang na ng hapon nang matagpuan ang katawan ng isa sa mga biktima at mabilis na isinugod sa ospital pero idineklarang dead-on-arrival.
Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng Philipine Coast Guard sa nawawalang biktima. (Source: Pilipino Star Ngayon, Arnel Ozaeta, June 7, 2025)
