Patay sa pagkalunod nitong Lunes ang magkasintahang naliligo sa Millennium Falls sa Barangay Cacub sa Koronadal City ng biglang tumaas ang level ng sa ilog na kanilang kinaroroonan kasunod ng malakas na ulan sa kapaligiran.

Magkasunod na natagpuang patay na ng mga emergency responders, makalipas ang ilang oras na search operation, ang 28-anyos na online selling delivery rider na si Christian Pederiso at si Jessa Mae Huesca, 24 anyos, isang guro sa Mary Land School Incorporated, parehong mga residente ng Barangay Paraiso sa Koronadal City, kabisera ng South Cotabato province.

Sakay ng motorsiklo ang mga biktima ng dumating sa Purok Dam Site sa Barangay Cacub upang mag-swimming at parehong biglang tinangay ng tubig baha na dumaloy sa ilog na kinaroroonan ng falls na dinadayo ng mga lokal na turista.

Agad namang na-turn over ng mga kawani ng Koronadal City Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga bangkay nila Pederiso at Huesca sa kani-kanilang mga pamilya. (May 20, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *