Isang taga Buldon, Maguindanao del Norte na sisitain lang sana ng mga pulis nitong gabi ng Miyerkules, June 4, 2025, dahil sa paglabag sa municipal ordinance na nagtatakda ng curfew mula alas-nuwebe ng gabi hanggang alas-kuwatro ang kanilang nakumpiskahan ng shabu.
Nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspect na kinilala ng mga local officials sa Buldon na si Norodin Billy Oranggaga, 35-anyos na nakunan ng isang sachet ng shabu na abot sa P680 ang halaga sa isang police operation sa Barangay Mataya sa naturang bayan.
Kinumpirma nitong Huwebes ng mga opisyal ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na nasa kustodiya ng Buldon police force ang suspect.
Ayon kay Macapaz, isang pangkat mula sa Buldon Municipal Police Station, pinamumunuan ni Lt. Joselito Radam, ang nakaaresto kay Oranggaga, na kanilang inabutan sa isang lugar sa Barangay Mataya at, ng kanilang sinita kung bakit nasa labas ng bahay, ay nagtangka pang tumakbo, ngunit nasukol din agad. (June 5, 2025)
