KIBLAWAN, Davao del Sur —- Sa pagtutulungan ng municipal at barangay officials, mga residente at isang pribadong kumpanya, natanggal ang ilang toneladang mga putik at bato na dumausdos mula sa mga gilid ng bundok at humarang sa mga farm-to-market roads sa Barangay Kimlavis sa Kiblawan, Davao del Sur.
Iniulat nitong Sabado, August 30, 2025, ni Cristituto Duazo, Sr., chairman ng Barangay Kimlavis, na maraming mga pamilyang settlers at etnikong mga Blaan sa Sitio Kiam, Adlumay at Bongmal ang naapektuhan ng naturang mga pag-landslide, naganap mahigit tatlong linggo na ang nakalipas, kasunod ng malakas, paulit-ulit na ulan sa kapaligiran.
Dahil sa naturang landslides, nagsara ang ilang bahagi ng mga farm-to-market roads na nag-uugnay sa mga residente ng naturang mga lugar sa sentro ng Kiblawan kung saan kanilang dinadala ang kanilang farm products upang ibenta para kumita ng pambili ng makakain.
Ayon kay Duazo, sa kooperasyon ng kanilang barangay government, ng Kiblawan local government unit, ng Davao del Sur provincial government, ng mga settler at Blaan communities sa Kimlavis at ng Sagittarius Mines Incorporated, mas kilala na SMI, nabuksang muli ang mga farm-to-market roads na nagsara dahil sa landslides.
Ayon sa mga municipal officials ng Kiblawan, ang Sagittarius Mines Incorporated ang siyang gumastos para sa fuel ng mga equipment na ginamit para sa naturang mga road clearing operations.
“Ang Sagittarius Mines Incorporated ang nag-provide ng gasolina, habang ang aming barangay at provincial government naman ang nag-provide ng manpower at heavy equipment,” pahayag ni Duazo.
Ayon kay Duazo at mga Blaan tribal leaders sa Kimlavis, naging tagumpay ang kanilang landslide clearing operations dahil sa suporta ng SMI na may mga ekstensibong community service projects sa Kiblawan, sa Columbio sa Sultan Kudarat, sa Malungon sa Sarangani, at sa Tampakan sa South Cotabato.
Makikita sa larawan ang isang bahagi ng farm-to-market road sa Kimlavis na binagsakan ng mga putik at bato mula sa gilid ng bundok na muling nabuksan, bayanihan-style, ng mga barangay at municipal officials, ng Sagittarius Mines Incorporated at ng mga settler at ethnic Blaan communities sa naturang barangay. (AUGUST 30, 2025)