Isa na namang insidente ng pamamaril ang yumanig sa bayan ng Tuburan, Cebu matapos barilin at mapatay ang isang lalaki ng umano’y lasing na pulis sa Barangay 6 noong gabi ng Hunyo 13, 2025.

Kinilala ang suspek na si Police Staff Sergeant Florante Perucho Hoyle, kasalukuyang nakatalaga sa Cebu City Police Office. Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, lasing umano si Hoyle nang dumating sa isang grupo ng mga kabataang nag-iinuman.

Nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng grupo, kung saan sinuntok pa raw ng pulis ang isa sa kanila. Hindi nagtagal, kinuha ni Hoyle ang kanyang baril at pumasok sa isang bahay malapit sa lugar.

Doon niya pinaputukan sa ulo ang biktimang kinilalang si Leo Vergel Fin Suico. Agad na isinugod ang biktima sa Tuburan District Hospital ng mga rumespondeng emergency team, ngunit idineklara itong dead on arrival.

Narekober ng mga otoridad ang ginamit na baril ng suspek, isang Colt .45 pistol, kung saan isang basyo ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa paunang ulat, posibleng nagkamali ng pagkakakilanlan ang pulis sa biktima.

Sa ngayon, nahaharap si Hoyle sa kasong kriminal at administratibo, at posible rin itong tuluyang masibak sa serbisyo.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye sa likod ng karumaldumal na krimen.