Isang ustadz, o Islamic preacher, na principal sa isang madrasah sa Aleosan, Cotabato ang natagpuang patay, nakagapos ang mga kamay, sa gilid ng highway sa Sitio Linamunan sa Barangay Taviran sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Lunes, September 8, 2025.
Inaalam pa ng mga imbestigador ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station kung sino ang responsable sa pagpatay at pag-iwan sa naturang lugar ng bangkay ni Ustadz Abu Saded Landasan, isang principal sa isang Islamic school, ang Madrasatul Alnor Al-Islamie, sa Purok 7 sa Sitio Salinangan, sa Barangay Lawili sa Aleosan.
Ang naturang paaralan ay mga 70 kilometro ang layo kung saan natagpuan ang nakagapos ang mga kamay na si Landasan may mga saksak at tama ng bala sa katawan.
Ayon sa mga kamag-anak at mga barangay officials sa Aleosan, isa sa 17 na mga bayan ng Cotabato province, wala silang alam na kagalit ni Landasan at kilala siya sa Islamic school na kanyang pinagtatrabahuan na isang magalang at pala-kaibigan na ustadz.
Na turnover na ng mga opisyal ng Datu Odin Sinsuat police force ng bangkay ng biktima sa kanyang pamilya. (Sept.9, 2025, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Region)