Wala nang buhay nang matagpuan ng mga emergency responders ang isang 34-anyos na ina, anak niyang babae na grade schooler at isa pang batang lalaki dahil sa rumaragasang baha na tumama sa dalawang bayan ng Sultan Kudarat, ang Lebak at Kalamansig, nitong Biyernes, May 23, 2025.
Kinumpirma nitong Sabado ng mga opisyal ng Lebak Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at ng mga barangay officials sa Salaman ang pagkasawi sa naturang insidente ng isang ginang na si Maila Pulido, 34-anyos, kanyang 12-anyos na anak na si Mylene, pawang residente ng Sitio Kikatay sa Barangay Salaman sa Lebak.
Isa pang batang lalaki na si Lawrence Itew, 8-anyos, ang nalunod din sa baha sa Barangay Santa Maria sa Kalamansig. Magkatabi ang mga bayan ng Lebak at Kalamansig.
Sa ulat ng mga lokal na kinauukulan, tinangay ng malakas na agos ng flashflood ang mag-ina habang sila ay lilikas sana sa ligtas, mataas na lugar sa Sitio Kitay sa Barangay Salaman nang mapunang binaha na ang kanilang kapaligiran.
Parehong natagpuang patay na ang mag-ina ng mga barangay officials at local government rescuers na nagresponde sa insidente matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente ng Salaman hinggil sa kalunus-lunos na sinapit ng mga biktima.
Sa report naman ni Lovely Joy Hallegado, Sultan Kudarat Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer, ang 8-anyos na si Itew ay nalunod nang tumaas ang tubig habang nasa ilog sa Barangay Santa Maria.
Bunsod nito, hinimok ni Hallegado sa mga residente sa nasabing mga bayan na mag-ingat at maging mapagbantay kung magpapatuloy ang mga pag-ulan upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa pagtaas ng tubig baha at flashflood. (May 25, 2025, JFU, handout photos)