Pumanaw na sa pagamutan ang isang municipal education official na pinagbabaril sa labas lang ng Zapakan Elementary School sa Barangay Zapakan sa Radjah Buayan, Maguindanao del Sur, isa sa tatlong mga insidente ng pamamaril sa probinsya nitong Martes, June 10, 2025.

Si Alamansa Ambiton, isang schools district supervisor sa Zapakan at acting principal din ng naturang paaralan ay pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan na mabilis ding nakatakas.

Kinumpirma ng kanyang mga kamag-anak at mga local officials ng Radjah Buayan, isang bayan sa Maguindanao del Sur na maraming peace and order problems. ang pagpanaw ni Ambiton sa pagamutan sanhi ng mga tama ng bala na kanyang tinamo sa insidente.

Siya ang ikatlong biktima ng pamamaril sa Maguindanao del Sur nitong Martes.

Nasa front seat ng isang puting multicab na nakaparada sa isang lugar sa sentro ng Buluan sa Maguindanao del Sur si Tato Umbe ng lapitan ng isang lalaki at pinagbabaril ng pistol na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan. Mabilis na nakatakas ang gunman.

Napatay din sa pamamaril sa bayan ng Mangudadatu si Tati Baud. Sakay siya ng motorsiklong may kargang mga paninda ng ma-ambush sa Sitio Bulig sa Barangay Daladagan sa bayan ng Mangudadatu na nagsanhi sa kanyang agarang kamatayan. (June 11, 2025)