COTABATO CITY (October 4, 2025) — Walong mga lalaking magkasabwat sa pamamalakad ng isang tagong drug den ang naaresto sa isang anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at mga pulis sa Barangay Langhub sa Patikul, Sulu noong Huwebes, October 2, 2025.

Agad na inaresto ng mga agents ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at mga pulis ang walong suspects, pansamantalang kinilala lang muna na sina Bating, Jim, Nursali, Makiki, Sahiron, Albasir, Aljasir at Padih, matapos silang bentahan ng P142,800 na halaga ng shabu mismo sa kanilang drug den sa Barangay Langhub.

Ayon sa mga municipal at provincial officials sa Sulu, maliban sa pagsasagawa ng mga pot sessions para sa mga dumadayo sa kanilang drug den, sangkot din ang walong suspects sa malawakang bentahan ng shabu sa ibat-ibang barangay sa Patikul at sa Jolo na kabisera ng Sulu.

Sa ulat nitong Sabado ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-BARMM, nailatag ang naturang entrapment operation sa tulong nila Sulu Gov. Abdusakur Abubakar Tan, Jr., ni Brig. Gen. Eleazar Matta ng Police Regional Office-9, ng mga local officials sa Patikul at mga traditional Tausug community leaders na siyang nagsuplong ng magkatuwang na pamamalakad ng walong suspects ng isang drug den sa Barangay Langhub.

Maliban sa shabu, natagpuan din ng mga PDEA-BARMM agents at mga operatiba Sulu Provincial Police Office at ng Patikul Municipal Police Station ang isang .45 caliber pistol at mga gamit sa pagsinghot ng shabu sa drug den ng walong nakadetine ng mga suspects.