COTABATO CITY (October 3, 2025) —- Isang 37-anyos na lalaking shabu dealer and nalambat ng mga pulis sa Barangay Tamontaka sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Huwebes, October 2, sa isang anti-narcotics operations na suportado ng mga municipal at barangay officials.

Sa ulat nitong Biyernes ng mga senior members ng Datu Odin Sinsuat Municipal Peace and Order Council, nakakulong na ang suspect, si Shariff Baddal Wahab, residente ng Barangay Gang sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa mga municipal officials, agad na inaresto ng mga operatiba ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station si Wahab matapos magbenta ng P68,000 na halaga ng shabu sa mga anti-narcotics agents ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, pinamumunuan ni Lt. Col. Esmael Madin.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Biyernes nila Madin na hepe ng Datu Odin MPS at ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, gagamiting ebidensya sa paglilitis sa suspect sa korte ang 10 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P68,000, na nakumpiska mula sa kanya.

Ayon kina Madin at De Guzman, naikasa ang naturang entrapment operation sa tulong ng mga local officials at mga traditional Moro leaders, kabilang sa kanila si Datu Odin Sinsuat Vice Mayor Bobsteel Sinsuat.

Si Sinsuat at ang kanilang mayor, si Abdulmain Abas, parehong nahalal sa puwesto nito lang May 12, 2025, ay parehong popular na sa kanilang masigasig na kampanya laban sa illegal na droga sa lahat ng mga barangay sa Datu Odin Sinsuat.

Mahigit 10 na na mga bigtime na dealers ng shabu at marijuana ang nalambat ng mga pulis sa Datu Odin Sinsuat nitong nakalipas na apat na buwan sa mga entrapment operations na nailatag sa tulong ng bagong halal na mayor at vice mayor ng naturang bayan.
Makikita sa larawan ang naarestong shabu dealer na si Wahab at isang hindi unipormadong pulis na dino-dukomento ang mga ebidensyang nakumpiska sa kanya.