Nagkaisa ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front at si Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza na mas palawigin pa ang kanilang kooperasyon sa pagsulong ng peace process ng MILF at ng Malacañang na saklaw ang kanyang probinsyang may mga kampo ng MILF at mayroong 63 barangays na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Si Mendoza, ngayon second-termer governor na at kasalukuyang chairperson ng multi-sector Regional Development Council 12, ay dumalaw sa Camp Darapanan sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Miyerkules, July 23, 2025, kung saan nag-usap sila nila MILF chairman Ahod Balawag Ebrahim at isa pang mataas na opisyal ng grupo, si BARMM Education Minister Muhaquer Iqbal, hinggil sa mga peace and development efforts ng MILF at Cotabato provincial government sa mga lugar na may mga Moro communities.
Suportado ng MILF at ng Moro National Liberation Front, sa pamumuno ng chairman nito na si BARMM Labor and Employment Minister Muslimin Sema, ang kandidatura ni Mendoza para sa ikalawang termino nitong May 12, 2025 elections dahil sa kanyang hindi pagiging anti-Moro at kanyang malawakang public service programs sa mga Moro communities sa mga bayan na sakop ng Cotabato province at sa kabisera nito, ang Kidapawan City.
May 63 barangays sa Cotabato province na sakop ng Administrative Region 12 na nakagrupo bilang Special Geographic Area-BARMM at nasa ilalim ng Bangsamoro government.
Ayon kina Ebrahim at Iqbal, bagama’t hindi na sakop ng provincial government ng Cotabato, walang tigil ang serbisyo publiko ng administrasyon ni Mendoza at kanyang mga constituent-mayors sa probinsya para sa mga Moro communities sa 63 SGA-BARMM barangays na ngayon nakagrupo na sa walong municipalities na itinatag ng BARMM parliament nitong nakalipas lang na taon.
Isang miyembro ng BARMM parliament, ang regional lawmaker na si Kelly Antao, ang siyang nag-escort kay Mendoza sa kampo ng MILF sa Barangay Darapanan sa Sultan Kudarat.
Si Antao ay dating elected member ng Cotabato Sangguniang Panlalawigan bago naitalagang member ng Bangsamoro parliament na may 80 na mga mambabatas na kasalukuyang pinamumunuan ni Chief Minister Abddulrauf Macacua na pinuno din ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng MILF at katuwang din ng gobernadora sa ilang mga humanitarian activities sa kanilang probinsya.
Makikita sa larawan si Mendoza, napapagitnaan ng MILF chairman na si Ebrahim na naging pinakaunang chief minister ng BARMM, mula 2019 hangggang March 2025, at ni Iqbal (sa kaliwa), na miyembro din ng MILF central committee at kasalukuyang education minister ng BARMM. Ang larawan ay kuha ng isang staff ni Mendoza habang nasa Camp Darapanan sila nitong Miyerkules, July 23. (July 24, 2025)