COTABATO CITY (August 23, 2025) — Isang kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit ang nasawi ng hagisan ng granada ng isang lalaking sakay ng motorsiklo sa tapat mismo ng kanilang detachment sa Barangay Nalapaan sa bayan ng Malidegao na sakop ng Bangsamoro region nitong umaga ng Sabado.
Ang Malidegao ay isa sa walong mga bagong tatag na bayan na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ngunit nasa teritoryo ng Cotabato, isa sa apat na mga probinsya ng Administrative Region 12.
Sa mga hiwalay na ulat nila Lt. Col. Jopy Ventura, information officer ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at ni Brig. Gen. Ricky Bunayog, commander ng 602nd Infantry Brigade, pumanaw sanhi ng maselang mga tama ng shrapnel ang 25-anyos na biktima, si Bimbo Malingco Lumambas, sa isang pagamutan kung saan siya isinugod ng kapwa mga miyembro ng CAFGU upang malapatan sana ng lunas.
Ayon kay Ventura, nakatayo si Lumambas sa gilid ng highway sa Barangay Nalapaan, sa tapat mismo ng kanilang detachment, ng may isang lalaking sakay ng motorsiklo na pumarada sa kanyang tapat, naglabas ng isang fragmentation grenade at ihinagis sa kanyang kinaroroonan.
Mabilis na tumakas ang salarin sakay ng kanyang motorsiklo kasabay ng pagsabog ng granada na kanyang inihagis kay Lumambas.
Nagtutulungan ang mga opisyal ng 602nd Infantry Brigade at mga intelligence units ng Bangsamoro regional police sa pagkilala sa responsable sa naturang pambobomba, na nagsanhi sa pagkamatay ni Lumambas, upang masampahan ng kaukulang kaso.
