Isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit ang nasugatan ng manlaban sa mga pulis na tangkang aaresto sana sa kanya at kasabwat na barangay kagawad matapos nilang bentahan ng P2.7 million na halaga ng shabu sa Barangay Ampao sa Bacolod-Kalawi sa Lanao del Sur nitong hapon ng Biyernes, September 5, 2025.
Sa ulat nitong Linggo ng mga local officials at mga kasapi ng multi-sector Bacolod-Kalawi Municipal Peace and Order Council, nasa isang pagamutan na ang sugatang CAFGU member na si Khalid Dimnatang Gubat, guwardiyado na ng mga pulis, at nakapiit na rin sa isang detention facility ang kanyang kasamang si Anoar Dedaagon Sumbi, barangay kagawad sa Sugod sa naturang bayan.
Kinumpirma nitong Linggo ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na nakumpiskahan ang dalawang suspects ng 406.9 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P2.7 million, sa naturang entrapment operation.
Ayon sa mga opisyal ng Bacolod-Kalawi Municipal Police Station at mga barangay officials sa Ampao, unang pinagbabaril ni Gubat ng 9-millimeter pistol ang mga pulis na aaresto sa kanya at kay Sumbi matapos silang mabilhan ng shabu sa isang lugar sa Barangay Ampao, kaya nagkabarilan na nagsahi sa kanyang pagkasugat.
Ayon kay De Guzman, magkatuwang na naikasa ng ibat-ibang units ng Lanao del Sur Provincial Police Office, ng Regional Drug Enforcement Unit na sakop ng PRO-BAR at ng tanggapan ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. ang naturang entrapment operation sa tulong ng mga Maranao traditional leaders sa probinsya at mga local officials sa Bacolod-Kalawi na alam ang pagbebenta ng shabu ng dalawang suspects.
Ayon kay De Guzman, lilitisin sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Gubat at Sumbi gamit ang P2.7 million na halaga ng shabu na nasamsam mula sa kanila bilang ebidensya. (September 7, 2025, Lanao del Sur, Bangsamoro Region)