COTABATO CITY (October 25, 2025) — Nagpadala nitong Biyernes, October 24, ang Bangsamoro government ng mahigit limang toneladang relief supplies para sa mga biktima ng 7.4 magnitude na lindol na yumanig sa Manay, Davao Oriental at mga karatig na mga lugar mahigit isang linggo pa lang ang nakakalipas.

Ang Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay nagpadala ng 500 hygiene kits para sa relief mission sa Manay ng Bangsamoro government, ayon sa mga hiwalay na pahayag nitong Sabado, October 25, ni Bangsamoro Social Services Minister Raissa Jajurie at ng kanilang regional chief minister, si Abdulrauf Macacua.

Kabilang sa mga pinadalang relief supplies sa Manay ang 5,000 bags ng tig-limang kilong bigas mula sa BARMM-Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) at 500 kitchen utensil kits mula naman sa Project Tabang ng Bangsamoro government.

Nagtulungan ang BARMM-READi, nasa pamamahala ni Mohammad Farzeih Abutazil, at ang MSSD-BARMM sa pagpadala ng relief supplies sa Manay nitong Biyernes, ayon kay Macacua.

Ayon kay Macacua, ang BARMM government ay laging handang tumulong sa mga komunidad sa labas ng autonomous region na sinalanta ng mga kalamidad at sakuna.