Home » Babaeng NPA leader sa Mindanao, patay sa engkwentro

Babaeng NPA leader sa Mindanao, patay sa engkwentro

Napatay ng mga sundalo sa isang engkwentro nitong Miyerkules sa Barangay Pianing sa Butuan City ang isang babaeng mataas na opisyal ng New People’s Army na wanted sa 53 na ibat-ibang mga kaso sa mga korte sa dalawang mga rehiyon sa Mindanao.

Ang nasawing si Myrna Sularte, mas kilala sa kanyang alias na “Maria Malaya,” ay secretary ng Northeastern Mindanao Regional Committee ng NPA na naghahasik ng kaguluhan sa mga liblib na mga lugar sa Regions 10 at 13.

Ang kabiyak ni Sularte na si Jorge Madlos, alias Ka Oris, ay napatay ng mga tropang sakop ng 4th Infantry Division sa isang engkwentro sa isang bayan sa Bukidnon sa Region 10 noong 2021.

Sa mga hiwalay na ulat ng mga opisyal ng Police Regional Office-13 at ni Army Brig. General Arsenio Sadural, commander ng 901st Brigade, naganap ang engkwentrong nagsanhi sa pagkamatay ni Sularte ng kanilang papatukan ang mga sundalong papalapit sa kanilang kinaroroonan sa isang liblib na lugar sa Barangay Pianing sa Butuan City, ang kabisera ng Agusan del Norte.

Basta na lang iniwan si Sularte na nakahandusay sa damuhan ng kanyang mga tauhan ng mapunang napapalibutan na ng mga tropa ng 901st Infantry Brigade ang kanilang kinaroroonan.

Naiulat na nagsisikap na ang mga local executives sa Butuan City at mga provincial officials ng Agusan del Norte na ma-contact ang mga kamag-anak ni Sularte upang maihatid sa kanila ang kanyang mga labi. (Feb.13, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *