Isang 43 anyos na babae ang napatay habang malubhang nasugatan ang kanyang live-in partner sanhi ng pamamaril ng mga armadong kalalakihan sa Purok Masigasig sa Barangay Labog sa bayan ng Sofronio Española, Palawan madaling araw nitong Biyernes, June 27, 2025.

Sa mga hiwalay na ulat ni Isaac Arcona, chairman ng Barangay Labog, at ng mga opisyal ng Sofronio Española Municipal Police Station, nakarinig ng mga putok ang mga residente ng Purok Masigasig sa kung saan natagpuan ang mag-live in partner na nakandusay, duguan.

Agad na namatay sa mga tama ng bala ang biktimang si Meldita Pangkalan Lebuna at sugatan naman ang kanyang 38-anyos na live-in partner na si Bernie Lubao San Jose, ayon kay Arcona.

Pinasok sila ng mga salarin sa kanilang bakuran at doon pinagbabaril. Mabilis silang nakatakas ng nakabulagta na ang dalawang mga biktima.

Ayon sa mga barangay officials, mga tama ng bala sa likud at sa braso ang sanhi ng agarang pagkamatay Lebuna.

Agad namang naisugod sa isang hospital ang kanyang sugatang live-in partner upang malapatan ng lunas. (June 28, 2025)