Apat na sakay ng isang pumpboat na tumaob sa dagat na malapit sa Barangay Cabgan sa Tambulig, Zamboanga del Sur ang kumpirmadong nalunod sa naturang insidente na naganap nitong Sabado, May 31, 2025.

Sakay ng pumpboat ang mga bata at kababaihan na patungo sana sa Tangub City mula sa Barangay Balas sa Aurora, Zamboanga del Sur ng tumaob ang kanilang sinasakyang bangka ng biglang lumaki ang mga alon sanhi ng malakas na hangin.

Kinumpirma nitong Linggo ng mga barangay officials at mga kawani ng Tambulig Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na dalawa sa tatlong batang nalunod ang agad na nasagip, ngunit nadeklarang dead on arrival ng mga doctor sa isang pagamutan kung saan sila dinala ng mga emergency responders upang malapatan ng lunas.

Isa pang bata ang natagpuan nitong Linggo ng hapon na lumulutang at wala ng buhay hindi kalayuan sa kung saan tumaob ang pumpboat, ayon sa mga hiwalay na ulat ng Tambulig MDRRMC, ng Tambulig Municipal Police Station at ni Barangay Cabgan Chairwoman Cecille Villafuerte. (June 2, 2025)