May teorya ang mga kinauukulan na posibleng napagdudahang mga espiya ng Army, o pulisya ang dalawang magkaangkas sa motorsiklong napatay sa ambush sa Barangay Langgapanan sa Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur umaga kamakalawa.

Ang mga biktima, sina Faizal Ulangkaya at Nasrudin Madsid, ay mga residente ng Buluan, Maguindanao del Sur na malayo sa kung saan sila na-ambush na nagsanhi ng kanilang agarang kamatayan.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Sabado, September 13, ng Sultan sa Barongis Municipal Police Station at ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office, magkaangkas sa isang Honda Wave ang dalawa ng tambangan ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Langgapanan.

May usap-usapang kumakalat na posibleng pinaslang ang dalawa dahil napagkalamang mga “asset” ng military, o ng pulisya.

May paniwala naman ang ilang residente ng Sultan sa Barongis na posibleng onsehan, o lokohan sa illegal na transaksyon, ang pinag-ugatan ng krimen na pinagsisikapang ma-resolba ng pulisya. (Sept. 13, 2025, Maguindanao del Sur, Bangsamoro Region)