Tatlong katao ang patay habang tatlo pa ang sugatan sa magkahiwalay na sunog sa probinsya ng Rizal nitong Sabado.
Tumanggi muna ang mga awtoridad na isapubliko ang pangalan ng mga biktima.
Batay sa ulat ng pulisya, dalawang residente ang nasawi sa sunog na naganap sa Valley View Executive Village Phase sa Barangay Mun¬tingdilaw, Antipolo City.
Naganap ang sunog dakong alas-6:42 ng umaga nitong Linggo.
Umabot lamang umano sa unang alarma ang sunog bago ito tuluyang naapula dakong alas-7:35 ng umaga.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog at halaga ng ari-ariang natupok.
Samantala, isang 48-anyos na babae ang nasawi nang sumiklab ang sunog sa Garnet St. sa Greenpark Village, Barangay Isidro sa Cainta, na halos kasabayan ng sunog sa Antipolo City.
Sinasabing bumalik sa loob ng bahay ang biktima upang kunin ang isang laptop. Gayunman, minalas na hindi na siya nakalabas pa at tuluyang lamunin ng apoy.
Nasa tatlong residente rin ang nasugatan sa naturang sunog kabilang ang nanay at kuya ng biktima na nagtamo ng first degree burn, at isang bumbero na nasugatan naman sa kamay.
Umabot lamang din ng unang alarma ang sunog bago tuluyang naapula ng mga bumbero.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection sa pinagmulan ng mga sunog na tumupok sa may P1-milyong halaga ng mga ari-arian. (PILIPINO STAR NGAYON, MER LAYSON, MAY 5, 2025)