Tatlo katao ang biktima ng pamamaril sa Maguindanao del Sur nitong Martes, June 10, 2025.

Nasa front seat ng isang puting multicab na nakaparada sa isang lugar sa sentro ng Buluan sa Maguindanao del Sur si Tato Umbe ng lapitan ng isang lalaki at pinagbabaril ng pistol na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan. Mabilis na nakatakas ang gunman.

Napatay din sa pamamaril sa bayan ng Mangudadatu si Tati Baud. Sakay siya ng motorsiklong may kargang mga paninda ng ma-ambush sa Sitio Bulig sa Barangay Daladagan sa bayan ng Mangudadatu na nagsanhi sa kanyang agarang kamatayan.

Isang principal ng Zapakan Elementary School sa Barangay Zapakan sa Radjah Buayan, Maguindanao del Sur ang pinagbabaril nitong tanghali ng Martes.

Ayon sa mga imbestigador ng Radjah Buayan Municipal Police Station, palabas na ng school campus si Alamanza Ambiton upang mananghalian ng lapitan ng armadong mga lalaking sakay ng motorsiklo at agad na pinagbabaril.

Si Ambiton, residente ng Barangay Barurao sa hindi kalayuang bayan ng Sultan sa Barongis, at nagtamo ng maselang mga tama ng bala sa katawan.

Mabilis na nakatakas ang mga bumaril kay Ambiton at siya naman, bagama’t sugatan na ay nakasakay pa ng tricycle at pumunta sa isang police outpost upang magpasaklolo.

Siya ay agad na isinugod ng mga pulis sa isang hospital upang malapatan ng lunas. (June 11, 2025)