Home » 3 kilos shabu, nasamsam sa Zamboanga City

3 kilos shabu, nasamsam sa Zamboanga City

Nasamsam ng hindi unipormadong mga pulis ang abot sa P20.4 million na halaga ng shabu mula sa isang dealer na na-entrap sa Barangay Zone 4 sa Zamboanga City madaling araw nitong Linggo.

Kinumpirma nitong umaga ng Lunes ng mga pangunahing mga opisyal ng Zamboang City Police Office at ng Police Regional Office-9 ang pagkaaresto sa naturang entrapment operation ng matagal ng minamanmanan na shabu dealer na si Nelson Hibbul Lamon.

Si Lamon, driver ng pampasaherong motorsiklo, ay residente ng Barangay San Jose Cawa-Cawa sa Zamboanga City. Siya ay nakakulong na sa isang police detention facility sa Zamboanga City, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa mga opisyal ng PRO-9, hindi na pumalag si Lamon ng arestuhin ng mga operatiba ng kanilang Special Operations Unit at Regional Drug Enforcement Unit, magkatuwang na pinangungunahan ni Lt. Aldazer Sahisa at Col. Diomarie Albarico, matapos silang bentahan nito ng tatlong kilong shabu, nagkakahalaga ng P20.4 million, sa General Vicente Alvarez Street sa Barangay Zone 4 sa Zamboanga City.

Sa inisyal na ulat ng tanggapan ng director ng PRO-BAR, si Police Brig. Gen Roel Rodolfo, naikasa ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng mga local executives at mga confidential informants na alam ang pagkakasangkot ng suspect sa malakihang pagbebenta ng shabu sa Zamboanga City at ilang mga bayan sa karatig na mga probinsya. (June 29, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *