Tatlong mga bata, ang kanilang ama at ina ang nasawi sa aksidente sa highway sa Initao, Misamis Oriental nitong hapon ng Biyernes.
Sa ulat ng mga barangay officials at ng Initao Municipal Police Station nitong Sabado, agad na namatay ang mga biktima ng masapol ng isang truck ang kanilang sinakyang motorsiklo habang pauwi na sana sa Cagayan de Oro City mula sa naturang bayan.
Sa pahayag ng Police Regional Office-10, siksikang magkaangkas ang mag-anak sa isang motorsiklo na nabundol ng isang Isuzu truck sa Iligan-Cagayan de Oro Highway sa Barangay Gimangpang sa Initao.
Ayon sa mga saksi, nag-overtake ang motorsiklo sa isang kotse at nagawi sa kabilang linya ng highway kaya ito nabangga ng kasulubong na truck.
Ayon sa mga opisyal ng PRO-10 at ng Misamis Oriental Provincial Police Office, nadeklarang dead on arrival ng mga doctor sa isang pagamutan ang limang mga biktima kung saan sila dinala ng mga pulis at emergency responders upang malapatan sana ng lunas. (Feb. 15, 2025)