COTABATO CITY (October 2, 2025) — Nakatakda ng gagamutin ang 25 na mga mahihirap na mga Moro sa Barangay Gokotan sa Malidegao, Cotabato na may mga cataract at pterygium na nasuri ng libre nito lang Martes, September 30.
Sa ulat nitong Miyerkules nila Malidegao Mayor Arnal Timan at Gokotan Barangay Chairman Jimmy Kusain, maliban sa 25 na may problema sa mga mata, 211 na iba pa ang nasuri at nabigyan ng mga gamot para sa kanilang mga karamdaman sa medical mission nitong Martes ng tanggapan ni Bangsamoro Member of Parliament Kadil Monera Sinolinding, Jr.
Ayon kay Timan, 62 na mga residenteng sakop ng kanilang local government unit ang tumanggap din ng libreng reading eyeglasses mula sa tanggapan ni Sinolinding kaugnay ng kanilang medical mission sa Barangay Gocotan.
Ang Malidegao ay isa sa walong mga bagong tatag na mga bayan sa Special Geographic Area sa nasa Cotabato province sa Region 12, ngunit sakop ng Bangsamoro government.
Si regional lawmaker Sinolinding, isang physician-ophthalmologist na nagpakadalubhasa sa India, ang siya ring health minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Suportado ng Ministry of Health-BARMM at ng tanggapan ni BARMM Chief Minister Abdulrauf Macacua at ng mga kawani ng Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, Cotabato ang kanilang medical mission sa Barangay Gocotan.
Ayon kay Timan, mismong si Doctor Sinolinding ang magsasagawa ng ophthalmic surgical procedures para 25 na mga residente ng Barangay Gokotan na may mga cataract at pterygium ang mga mata upang manumbalik ang normal nilang mga paningin.
Ang ilan sa naturang 25 eye patients ay umaasa lang sa pagsasaka at mga arawang trabahong maliit lang ang kita, ayon kina Timan at Kusain. Ang ilan sa kanila ay mga senior citizens na na binubuhay ng kanilang mga mahihirap na mga anak, ayon sa dalawang local officials.
Sa tala ng MoH-BARMM at ng mga private humanitarian groups na sumusuporta sa mga community service activities ng tanggapan ni Sinolinding, 12,523 katao na sa Special Geographic Area at sa limang iba pang mga probinsya sa autonomous region ang nagamot na sa mga medical missions ng kanyang pangkat mula ng siya ay ma-appoint na member of parliament ni President Ferdinand Marcos, Jr. noong 2022.