Maagap na nasagip ng magkasanib na mga kasapi ng Maritime Police, ng Philippine Coast Guard at ng mga local government units sa Basilan ang 20 na mga mangingisda na magkasama sa sasakyang pandagat na lumubog sa karagatan sa hangangan ng probinsya at Sulu nitong Lunes, October 6.

Iniulat nitong Huwebes, October 9, ng tanggapan ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na ang mga na-rescue na mga mangingisda ay sakay ng F/B Mona na lumubog sa karagatang hindi kalayuan sa Tamuk Island sa Maluso, Basilan at Duay Bulod Island sa probinsya ng Sulu.

Lumubog ang naturang sasakyang pandagat sanhi ng malakas na hangin at malalaking alon, ayon sa ulat ng Maritime Police Station sa Basilan.

Nagtulungan ang magkasanib na mga tropa ng Maritime Police sa Basilan, sa pangunguna ng station chief nito na si Major Geobani Cuna Calle, at ng Philippine Coast Guard-Maluso Substation sa pagsagip sa 20 na mga mangingisdang sakay ng F/B Mona, ayon sa ulat ng Basilan Provincial Office sa tanggapan ni De Guzman sa PRO-BAR headquarters sa Camp SK Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte.

Ayon sa mga provincial officials ng Basilan, agad na nailikas sa dalampasigan ng Taheem Island sa Maluso ang mga na-rescue na mga mangingisda at binigyan ng pagkain at tuyong mga damit ng mga pulis at mga kasapi ng PCG na sumagip sa kanila. (October 9, 2025, Basilan, Bangsamoro Region)