Dalawang sundalo na kasapi ng 33rd Infantry Battalion ang sugatan nang kanilang makasagupa ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front sa Barangay Kuloy, sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, madaling araw nitong Sabado.
Ito ang iniuulat ni Brig Gen. Patricio Ruben Amata, assistant commander ng 6th ID, sa isang pagpupulong sa mga reporters sa Cotabato City nitong umaga ng Sabado kaugnay ng mga aktibidad ng Independent Election Monitoring Center, isang non-partisan group na nagmo-monitor ng mga kaganapang may kinalaman sa May 12 elections sa Bangsamoro region at sa probinsya ng Sulu.
Sinabi ni Amata na ang dalawang sundalo ay mula sa tropa ng 33rd Infantry Battalion na nagpapatrolya lang sa lugar nang makasagupa nila ang mga kasapi ng MILF 118th Base Command.
Patuloy pang inaalam ng militar kung ang insidente ay may kaugnayan sa pulitika.
Maraming mga residente ng Barangay Kuloy ang napilitang lumikas sa mga ligtas na lugar sanhi ng insidente. (May 10, 2025)