Dalawang matagal ng minamanmanan na shabu dealers, isa sa kanila dating barangay kagawad, ang naaresto ng mga pulis, sa tulong ng kanilang mga kamag-anak, sa isang entrapment operation sa Barangay Ungap sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong tanghali ng Miyerkules.

Kinumpirma nitong Huwebes ng mga municipal officials sa Sultan Kudarat na naka-detine na sina Chominie Albano Taruyan, isang dating barangay kagawad sa naturang bayan, at Andrie Dumancas Fabric.

Sa ulat ni Brig. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, hindi na pumalag ang dalawang suspects ng arestuhin ng mga hindi unipormadong mga operatiba ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, pinamumunuan ng kanilang hepe, si Lt. Col. Esmael Madin, na kanilang nabentahan ng P24,684 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Barangay Ungap.

Ayon kay Macapaz, malaki ang naitulong ng mga kamag-anak ng mga suspects at mga local officials sa Sultan Kudarat at ng bagong halal na Maguindanao del Norte governor, si Tucao Mastura, sa operasyong nagresulta sa pagkakaaresto kina Taruyan at Fabric at pagkakumpiska sa kanila ng P24,684 na halaga ng shabu na gagamiting ebidensya sa paghabla sa kanila sa korte. (June 19, 2025)