Nakakulong na ang dalawang magkasabwat sa pagnanakaw ng mga water meter ng Cotabato City Water District (CCWD) na naaresto sa Barangay Rosary Heights 13 sa Cotabato City nitong Lunes.
Kinumpirma ni Col. Jibin Bongcayao, director ng Cotabato City Police Office, na naka-detine na ang mga suspects, sina Rodolfo Gomez Teodoro, 41-anyos, at ang 34-anyos na si Adnan Zainal Dumol, na nahuli sa akto ng mga barangay officials na nagnanakaw ng mga metro ng tubig na pag-aari ng CCWD sa isang lugar sa may Soledad Street sa Barangay Rosary Heights 13.
Agad silang ipinakustodiya ng mga barangay officials sa Rosary Heights 13 kay Major Teofisto Ferrer, Jr., hepe ng Cotabato City Police Precinct 2.
Ayon kay Ferrer at Bongcayao, parehong nahaharap na sa kaukulang mga kaso sina Teodoro at Dumol. (October 7, 2025, Cotabato City, Bangsamoro Region)