Patay ang isang drug den operator na diumano konektado sa Dawlah Islamiya at naaresto ang kanyang tatlong kasabwat, kabilang ang isang babae, sa entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Barangay Nunungan sa Datu Anggal Midtimbang sa Maguindanao del Sur nitong Miyerkules, August 27, 2025.

Ayon sa mga local executives sa magkatabing mga bayan ng Datu Anggal Midtimbang at Guindulungan, nakumpiskahan ang napatay na lalaking suspect at kanyang mga kasama, isa sa kanila babae, ng 33 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P224,400, sa naturang entrapment operation ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na sinuportahan ng mga commanders ng Moro Islamic Liberation Front at mga barangay leaders.

Kusang loob ng nagpaaresto na ang mga kasama ni Masundig na sina Monera Bansuan, Jordan Alon, at Tanggul Kunakon ng nakahandusay at wala ng buhay si Masundig at napalibutan na ng mga PDEA-BARMM agents at mgapulis ang kanilang drug den sa Barangay Old Nunangan.

Sa ulat nitong Huwebes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-BARMM, naging madugo ang entrapment operation ng paputukan ng M14 assault rifle ng drug den maintainer na target ng entrapment operation ang kanilang mga agents ng siya at ang kanyang mga kasama ay aarestuhin na sana matapos silang mabilhan ng shabu sa isang lugar sa Barangay Nunungan.

Maliban sa shabu, nasamsam din ng magkasanib na mga PDEA-BARMM agents at mga operatiba ng ibat-ibang units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang walang dokumentong M14 assault rifle ng drug den maintainer na napaslang sa shootout.

Ayon sa mga opisyal ng mga intelligence units ng Army units na mga sakop ng 601st Infantry Brigade at ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office, ang nasawing may-ari ng drug den kung saan isinagawa ng entrapment operation ay may koneksyon sa mahina ng terroristang grupong Dawlah Islamiya na ang mga natitirang mga miyembro ay kilala sa pagkakanlong ng mga wanted na shabu at marijuana dealers sa mga tagong lugar kapalit ng pera.

Nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong mga naaresto sa entrapment operation sa Guindulungan, nakakulong na sa detention facility ng PDEA-BARMM.

Pinasalamatan ni Castro ang mga local officials at ang mga units ng PRO-BAR, pinamumunuan ni Police Brig. Gen. Jaysen De Guzman, na tumulong sa kanilang entrapment operation sa naturang bayan nitong Lunes.

Magkatuwang na inaalam na ng PRO-BAR at ng 6th Infantry Division ang ulat hinggil sa koneksyon ng napatay na drug den operator sa Dawlah Islamiya.(August 28, 2025, Maguindanao del Sur, Bangsamoro Region)