Pinarangalan ng Deparment of Environment and Natural Resources-12, sa isinagawang 2nd Gawad Kalikasan ceremony nito lang nakalipas na linggo, ang Sagittarius Mines Incorporated bilang pagkilala sa suporta nito sa mga multi-sector environment-protection campaigns sa Central Mindanao at sa mga proyekto nitong kaugnay ng pangangalaga ng kalikasan.
Iniulat ng mga pangunahing officials ng DENR-12 nitong Miyerkules, June 11, 2025, na ang 2nd Gawad Kalikasan ceremony ay isinagawa sa Dream Weavers Hotel sa Koronadal City, ang kabisera ng South Cotabato province ng Region 12.
Ayon sa abugadong si Felix Alicer, regional executive director ng DENR-12, ang kanilang pagbigay parangal sa Sagittarius Mines Incorporated, mas kilala bilang SMI, ay kaugnay ng malawakang partisipasyon nito sa mga environment-protection at natural resources conservation activities ng mga kinauukulan at mga local communities sa Region 12.
Ito, ayon kay Alicer, ay sa kabila ng hindi pa nakakapagsimula ang SMI sa pag-operate ng Tampakan Copper-Gold Project sa Tampakan, South Cotabato —- batay sa permiso ng national government at ng Blaan tribal council sa naturang bayan at iba pang ethnic groups sa South Cotabato province.
Kinumpirma ng mga DENR-12 officials, ng mga local executives at mga Blaan tribal leaders sa Tampakan, sa Columbio sa Sultan Kudarat, sa Malungon sa Sarangani, at sa Kiblawan sa Davao del Sur na nakapagtanim na sila at ang mga kawani ng SMI, nitong nakalipas na walong taon, ng 1.6 million na forest tree seedlings, mula sa nursery ng kumpanya, sa mga liblib na Blaan ancestral lands sa naturang apat na mga bayan na saklaw ng nakatakda ng Tampakan Copper-Gold Project.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Miyerkules nila Columbio Vice Mayor Bai Naila Mamalinta, Kiblawan Mayor Joel Calma, at ng Blaan tribal leader sa Tampakan na si Domingo Collado, appointed tribal representative sa Tampakan municipal council, nakapagsagawa din ng ekstensibong river clean-up drive, ilang beses nitong nakalipas na mga taon, ang mga local communities at ang SMI sa mga ilog sa mga lugar na saklaw ng Tampakan Copper Gold Project na nakatakda ng magsisimula, posibleng sa susunod na taon.
Ayon sa kay DENR-12 Regional Executive Director Alicer, ang mga special citation plaques para sa SMI ay tinanggap sa 2nd Gawad Kalikasan ceremony sa Dream Weavers Hotel sa Koronadal ng mga company officials na sina Willam Domasig, development manager at chief geologist ng SMI, ang kanilang corporate communications superintendent na si Joseph Palanca, at public information specialist na si Abner Mendoza, Jr. na isang dating broadcast journalist sa General Santos City. (June 11, 2025)
