Dalawang motorista ang agad na namatay sa mga tama ng bala sanhi ng ambush sa Zamboanga City nitong hapon ng Lunes, May 26, 2025.

Sa ulat ng Zamboanga City Police Office ilang oras matapos ang insidente, target ng naturang pananambang sina Michael Kubili Perez at kanyang kaangkas na si John Kyle Manlupig.

Magka-angkas sa motorsiklo sina Perez at Manlupig, galing sa isang bilyaran, ng paputukan ng dalawang lalaking nakaabang sa kanila sa gilid ng Governor Alvarez Street sa naturang lungsod.

Nagtamo din ng mga tama ng bala ang isang motorista, si Alkan Omar, na nagkataong napadaan lang kung saan naganap ang ambush.

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan sina Perez at Omar kung saan sila isinugod ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.

Mabilis na nakatakbo palayo ang dalawang lalaking nag-ambush kina Perez na nagresulta din sa pagkamatay ni Omar.

Si Perez ay residente ng San Bernardino sa Barangay Guiwan sa Zamboanga City. Si Omar ay taga Barangay Tumakid sa Lamitan City sa Basilan na sakop ng Bangsamoro Region. (MAY 27, 2025)