COTABATO CITY (December 23, 2025) —- Marami ang nagagalak sa nagpapatuloy na magandang ugnayan ng provincial government ng Cotabato sa Region 12, pinamumunuan ng non-Moro na gobernadora, at ng mga regional officials ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ng mga senior officials ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front.
Ang MILF at MNLF ay may mga hiwalay na peace agreements sa pamahalaan at parehong may mga representatibo sa 80-seat BARMM parliament, naka-base sa Cotabato City, at magkatuwang din sa pamamalakad ng ilan sa mga ministries at support agencies ng Bangsamoro regional government.
Dinalaw noong nakalipas lang na linggo ni Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza ang chairman ng MILF central committee na si Ahod Balawag Ebrahim, nagsilbi din bilang chief minister ng BARMM mula 2019 hanggang March 2025, at ang kanyang kapwa MILF official na si Muhaquer Iqbal, na kasalukuyang education minister ng Bangsamoro regional government, at kanilang napag-usapan, sa kanilang mga hiwalay na dialogues, ang kahalagahan ng multi-sector cooperation sa pagpapalaganap ng peace and sustainable development sa Mindanao.
Si Gov. Talino-Mendoza, chairperson ng influential na inter-agency at multi-sector Regional Development Council 12, ay kilala sa kanyang pagiging aktibong supporter ng peace process ng pamahalaan para sa Moro communities sa BARMM at iba pang mga rehiyon sa Mindanao.
Tatlong mga kasapi ng BARMM parliament na aktibo sa mga peace and community development initiatives, sina Kadil Sinolinding, Jr. na siya ring health minister ng autonomous region, si Mohammad Kellie Antao na dating kasapi ng Cotabato Sangguniang Panlalawigan, at si Ishak Mastura, dating senior regional official ng nabuwag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang nagpahayag ng kagalakan sa masigasig na governance at peace and security cooperation nila Gov. Taliño-Mendoza at ng Bangsamoro government at ng mga liderato ng MILF at ng MNLF.
Magkahiwalay na nagpasalamat nitong Martes, December 23, sina Sinolinding, Antao at Mastura sa patuloy din na serbisyo-publiko ni Gov. Taliño-Mendoza at ng kanyang constituent-mayors sa mga residente ng 63 barangays sa Bangsamoro Special Geographic Area (SGA) sa kanilang probinsya sa kabila ng hindi na ito sakop ng Cotabato province, nasa core territory na ng BARMM mula pa noong 2019.
Dating sakop ng mga bayan sa Cotabato province ang naturang 63 barangay na nasa mga teritoryo na ng walong mga bagong Bangsamoro municipalities na itinatag ng Bangsamoro parliament nitong nakalipas lang na 2025.
Ayon sa chairman ng MNLF na siya ring kasalukuyang labor and employment minister ng BARMM, si Muslimin Sema, kabilang sa mga benepisyaryo ng mga public service programs nila Gov. Taliño-Mendoza at kanyang mga constituent-mayors ay ang mga pamilya ng mga miyembro ng MNLF sa Cotabato province.
Sa mga hiwalay na pahayag ni Sema at ni BARMM Chief Minister Abdulrauf Macacua, na siyang chief ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng MILF, malaking bagay ang mga joint peace and security programs ni Gov. Taliño-Mendoza at mga mayors sa Cotabato sa pagpapalaganap ng katahimikan sa Moro-dominated areas na sakop nila at sa Bangsamoro Special Geographic Area sa kanilang probinsya.
Makikita sa larawan sa Gov. Taliño-Mendoza sa kanyang hiwalay na mga courtesy visits sa mga ranking MILF officials na sina Ebrahim at Iqbal noong Martes ng nakalipas na linggo, December 16.
