Nagsimula na ang Ramadan rice offering ng provincial government ng Cotabato sa Region 12 para sa mga bayang sakop nito at para mga residente ng ilang mga lugar sa Bangsamoro region.
Ito ay kinumpirma nitong Miyerkules, March 26, 2025, ng mga local executives ng sampung mga bayan sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte sa Bangsamoro region, sa Columbio sa Sultan Kudarat, at ng mga Islamic religious leaders sa mga Moro barangays sa Cotabato province na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na pinagsama-sama na bilang Special Geographic Area-BARMM.
Iba pa ang Ramadan rice distribution, kaugnay ng programa, para sa mga komunidad na sakop mismo ng provincial government ng Cotabato, pinamumunuan ni Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, na siya ring chairperson ng multi-sector Regional Development Council 12 na sakop ang apat na mga probinsya at apat na lungsod sa Region 12.
Kabilang sa mga nabiyayaan ng inisyatiba ni Gov. Mendoza ang mga bayan ng Datu Piang, Datu Paglas, Datu Montawal, Pagalungan, General Salipada K. Pendatun sa Maguindanao del Sur, ang Northern Kabuntalan, Sultan Mastura, Sultan Kudarat at Datu Blah Sinsuat sa Maguindanao del Norte at ang bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat.
Isa si Mayor Marshall Sinsuat ng Datu Blah Sinsuat sa mga nagpasalamat kay Gov. Mendoza sa Ramadan rice offering ng kanyang tanggapan.
Ipinaabot ni Mayor Sinsuat sa mga reporters, sa pamamagitan ng text message, ang kanyang pasalamat sa gobernadora na ayon sa kanya ay isang mensaheng kinakatawan ang lahat ng Moro constituents ng Datu Blah Sinsuat local government unit.
Ang Ramadan ay isang banal na buwan sa Islam kung saan ang mga physically-fit na mga Muslims ay nag-aayuno, o nagpupuwasa sa araw, bilang religious obligation at sakripisyo para sa mga nagawang mali.
Ang pagpupuwasa sa buwan ng Ramadhan ay isa sa mga tinatawag na `five pillars of Islam’ na kinabibilangan ng lubos na paniwala kay Allah, pagdarasal ng limang beses araw-araw, pamimigay ng zakat, o ayuda sa mahihirap, at, para sa mga may kakayahang gumastos para sa pamasahe, ang pag-Hajj, o pilgrimage sa Makkah sa Saudi Arabia, kahit minsan lang sa buong buhay. (March 26, 2025)