Arestado ang dalawang hinihinalang tulak kabilang ang isang Chinese national nang mahulihan ng P700 milyong halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Plaridel sa probinsya ng Bulacan.
Sa report, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Ryan Alvarez, 40 residente ng Pasig City at Chen Lian Teng, 55, Chinese national ng Barangay Bulihan sa Plaridel.
Ayon sa report ng Philippine National Police Drug Enforcement Group Special Operations Unit (PNP-DEG- SOU ikinasa ang operasyon ng mga awtoridad nitong gabi ng Hunyo 28 sa isang subdivision ng Barangay Bulihan.
Nabatid sa report, nasa mahigit 100 kilos ng hinihinalang iligal na drogang shabu at umano’y may halong cocaine na may halagang P700 milyon ang nasamsam sa mga suspek.
Sinasabing inaalam ng mga awtoridad kung konektado ito sa floating shabu na narekober sa karagatan ng Zambales at Ilocos.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa nasabing yunit ng pulisya. (SOURCE: PILIPINO STAR NGAYON, JUNE 30, 2025, OMAR PADILLA)
