Sugatan ang isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit o CAFGU matapos sumabog ang isang parcel bomb sa loob ng kampo militar sa Barangay Colonia, Lamitan City, Basilan nitong Lunes ng gabi, Hunyo 16.
Batay sa ulat, nakatago ang pampasabog sa loob ng isang parcel na ipinadala sa kampo ng 18th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Nang tanggapin ng CAFGU ang nasabing parcel, bigla na lamang itong sumabog, dahilan upang siya ay magtamo ng mga sugat sa katawan. Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng biktima habang isinusulat ang balitang ito.
Agad namang nagpatupad ng mahigpit na seguridad ang mga awtoridad sa loob at paligid ng kampo matapos ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng pagpapadala ng naturang pampasabog at kung ano ang motibo sa krimen.
